Monday, October 23, 2017
PNP CHIEF GEN. BATO DE LA ROSA, HOY GISING! (Sept 17, 2017)
Sobra-sobrang pangamba ang ibinigay ng “video” ng pagpasok ng mga pulis Kalookan, kasama ng isang bata at “pilay na asset “ na may baril sa isang bahay sa Barrio Sta. Rita , Bgy, 188 ,Tala noong September 7 ng gabi.
Kitang kita sa CCTV ang pagnanakaw ng mga pulis at asset sa naturang bahay na nakalabas pa ang mga baril. Ano ang laban ng isang 51 taong gulang na babae at 2 menor de edad na apo sa 14 na pulis ng Police Assistance Center 12 ng PCP 4?
Halos bumula ang bibig ni NCRPO chief Gen. Oscar Albayalde nang makaharap ang lahat ng 62 pulis ng PCP4. Nakakahiya naman talaga. Isipin mo katabi pa si Albayalde sa umiiyak na si PNP chief Bato de la Rosa sa Senado sa pagtatanggol sa mga pulis, pagkatapos lilitaw ang video na ito.
Ngayon, buong 1,200 pulis sa Caloocan city ay ni-relieve na rin para retraining samantalang nagsimula na rin ang “summary dismissal proceedings” ng PNP-IAS sa 14 na PO1 na pumasok at nagnakaw sa bahay ng babae.
Si Caloocan Mayor Oscar Malapitan ay pabor din dito gayundin si Pres. Duterte na nagsabing sabit din sa droga ang mga pulis na ito.
Kaya lamang, wala pa tayong balita kung ikinulong din ang tatlong asset na ginamit ng mga pulis sa raid , tulad noong pilay na may baril at isang bata na kumuha ng cellphone , dalawang relo at wallet na nakita sa CCTV .
Noong Enero, nagimbal din ang bayan sa ipinakitang “tokhang video” ni Sen. Panfilo Lacson na pulis ang pumasok sa isang “establishment” sa Metro Manila, nakamaskara , nanutok at nagtanim ng shabu sa mga drawer. Dahil dito, sinuspindi ni PNP chief Bato de la Rosa ng ilang buwan ang “tokhang operations” . Sabi pa ni Bato, magkakaroon daw ng “internal cleansing” at magkakaroon daw ng “task force’ para tanggalin ang mga “erring cops”. Dalawang beses daw siyang Naghain noon ng “resignation kay Pres. Duterte pero tinanggihan ito.
Kaya mula Enero hanggang ngayon, dapat marami nang paglilinis si Gen. Bato, pero kabaligtaran pala. Isang buong “police force” ng Caloocan dito sa Metro Manila ang natuklasang hindi tinablan ng “internal cleansing” ni Gen. De la Rosa . Meron ba silang ginawang o wala ? Siyam na buwan matapos ilabas ni Sen. Lacson ang “tokhang video”, eto at pati lola at dalawang apo, pinasok, pinagnakawan ng mga 13 PO1 sa Caloocan.
Sawang-sawa na ang tao sa iyak nitong si Gen. De la Rosa sa pagtatanggol niya sa mga tiwaling pulis na tila hindi naman niya pinaparusahan. Isipin niyo, Enero 21, 2018 pa magreretiro na si De la Rosa at balak pa yatang kumandidatong Senador. Pero paano siya mananalo kung puro arte, gimik at publisidad ang pinupuntirya nito?
Chief Bato, meron ka pang 12 araw ng Setymbre, buong buwan ng Oktubre, Nobyembre Disyembre at 12 araw ng Enero, para magpakitang gilas sa taumbayan.
Ipakulong mo iyong 13 PO1 na iyan pati iyong pilay na asset at dalawa pa. Ganoon din sa mga pulis sa tokhang for ransom video ni Sen. Lacson bago kami muling maniwala sa iyo.
(end)
Sep 17
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment